Plastic Republic ng I-Witness: Isang Pagsusuri


Programa: I-Witness

Epsiode: Plastic Republic

Inere: Hunyo 23, 2018



Buod:

Ang episode na Plastic Republic ng I-Witness ay nagpapakita ng ginagawa ng ilang Pilipino sa problema ng plastic. Dito makikilala ang mga tao na may sariling solusyon sa dami ng plastic sa Pinas. Dito nakilala si Celso Lee, na ginagamit ang tinapon na plastic para sa damit at pang dekorasyon, na kinahuhumalingan ng mga tao sa paligid niya. Meron namang isang pamilya sa Rizal na tinalikuran ang paggamit ng plastic. Malaking tulong ito, dahil 208 kilo ng plastic ang nagagamit at tinatapon ng isang Pilipino sa isang taon, habang 400 milyong tonelada ang nagawang plastic sa buong mundo noong 2017. Sa Manila Bay naman, ang  natitirang natural na gubat sa Maynila ay napapaligiran na ng plastic. Karamihan ng plastic dito ay nanggagaling sa mga estero na nagmula sa ilog Pasig, na naanod ng tubig papunta sa dalampasigan. Ayon sa mga naglilinis ng dalampasigan, hindi lang ang mga tao na nagtatapon ng basura ang may kasalanan, kasama din ang mga kompanya na gumagawa ng plastic na nakakasira ng kapaligiran. Ayon sa isang pag-aaral na ipinakita sa World Economic Forum noong 2016, mas marami ang basura sa dagat kaysa sa isda pagpatak ng taong 2050. Ang mas nakakabahala pa dito ay ang Pilipinas ay pangatlo sa mga bansa na may pinakamaraming natatapon na plastic sa karagatan. Dahil sa dami ng plastic na nakakalat lang sa paligid, maraming solusyon ang nagagwa sa mga ito. Isa sa mga ito ay ang mga eco-brick, na isang bote na pinupuno ng sachet at iba pang uri ng plastic na basura. Sa tatag ng mga eco-brick na ito, naipatayo ang isang paaralan sa Lubao, Pampanga mula sa mga ito. Isa namang pangmatagalang solusyon ay ang paghiwalay ng iba’t ibang klase ng basura. Dahil dito, nahihiwalay ang basura na pwedeng i-recycle at ibenta. Ang paghiwalay ng basura ay isa nang batas noong 2000, bilang R.A 9003, o ang Ecological Solid Waste Management Act of 2000, pero hindi ito naipapatupad ng maayos. Natapos ang episode sa ideya na tayong mga tao ang responsible sa hinaharap na makukuha ng mga susunod na henerasyon.

Pagsusuri:

                Ang episode na ito ay tinatalakay ang problema ng kumakalat na basura sa ating bansa. Ipinakita dito ang tonetoneladang basura na kumakalat sa ating mga daan at tubig. At dahil sa dami ng basura sa ating bansa, pati ang mga gubat at bakawan sa dalampasigan ay hindi ligtas. Sa pagtugon sa problemang ito, ilan sa mga kababayan natin ang gumawa ng iba’t ibang solusyon sa problema ng basura. Merong mga Pilipino na ginagamit ang basura bilang ibang klase ng damit at dekorasyon. Ang iba naman ay tumigil sa paggamit ng plastic na basura, at pinalitan ito ng mga reusable na lalagyan. Binigyan ng diin ang responsibilidad natin bilang tao na protektahin ang ating planeta para sa ating mga anak.




Opinyon:

                Sa ipinapahiwatig na ideya ng episode na ito, ako ay sumasangayon. Isang malaking problema na ang basura na nakatiwangwang sa ating kapaligiran, at kailangan na nating solusynan ang problema na ito. Marami ang solusyon sa problemang ito, pero nakasalalay ang pagpapatupad nito sa ating makakaya. Sa tingin ko, dito din lumalabas ang talino at diskarte ng mga tao sa paglutas ng isang problema, gaya ng paggamit ng plastic sa ibang bagay. Sang-ayon din ako sa pagbigay ng diin sa responsibilidad natin bilang mamamayan ng Pilipinas. Dapat tayo ang gagawa ng solusyon sa mga problema na kinakaharap natin ngayon.

Comments

Post a Comment